Inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) ang online driver’s license renewal system (ODLRS) sa eGovPH mobile app.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, layunin ng digital na renewal na gawing mas mabilis at komportableng proseso ang transaksyon kahit nasa bahay o opisina lang ang motorista.
Para makagamit ng online renewal, kailangang i-download muna ng motorista ang eGovPH app na available sa App Store at Google Play.
Narito ang mga hakbang para sa online renewal:
- Sa eGovPH app, hanapin ang icon na “NGA,” i-tap ang “LTO”
- Piliin ang ‘Online Driver’s Application’
- I-click ang ‘Renew Your Driver’s License’
- I-upload o kuhanan ng litrato ang front at back ng pisikal na lisensiya
- Hintayin ang validation ng lisensiya (tumatagal ng 1-3 minuto)
- Suriin at i-verify ang impormasyon, tapos i-click ang submit
- Mag-selfie ayon sa required format na naka-indicate sa instructions
Paalala ni Mendoza, siguruhin munang kumpleto ang mga requirement para tuluy-tuloy ang proseso:
- Telemedicine Medical Examination
Sa LTO ODLRS Portal, i-click ang Telemedicine
Mag-book ng appointment
Dumalo at tapusin ang online medical exam
- Online Driver’s Enhancement Program (ODEP)
Sa portal din, i-click ang ODEP
Tapusin ang 5-oras na online education
- Online Payment
Kapag tapos na ang requirements, puwede nang bayaran ang renewal fee via payment gateway.
Kapag matagumpay ang transaksyon, awtomatikong renewed na ang lisensiya ng motorista.
Makikita rin agad ang electronic driver’s license sa eGovPH app.
Ayon kay Mendoza, valid ito gaya ng physical card.
Para sa pisikal na kopya ng lisensiya, puwedeng pumili kung ipa-deliver via courier o i-pick up sa pinakamalapit na district office.