Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na dumarami na ang mga online institutional buyer na tumatangkilik sa bagong inilunsad na Nueva Vizcaya Agricultural Terminal o NVAT Fresh Online platform.

Ayon kay DTI Provincial Director Marieta Salviejo, target pa nilang ipakilala ang naturang online application sa iba pang malalaking organisasyon o grupo sa buong bansa at maging sa mga supermarket ng bawat lokal na pamahalaan.

Sa tulong ng naturang teknolohiya na isang sistema ng e-commerce gamit ang digital platform ay mapapabilis ang ugnayan sa pagitan ng mga magsasaka, traders at mga mamimili na magkaroon ng mas malawak na merkado para sa mga produktong pang-agrikultura.

Sa naturang app ay makikita ang mga produkto ng mga magsasaka na dinadala sa NVAT na matatagpuan sa Bambang, Nueva Vizcaya tulad ng citrus, upland at lowland vegetables na maaaring mabili ng bultuhan kung saan diretso nang makikipag-usap ang mga magsasaka sa mga institutional buyers ng kanilang produkto.

Sinabi ni Salviejo na ang naturang proyekto ay inilunsad ng DTI noong Agosto sa pakikipagtulungan ng USAID Philippines sa pamamagitan ng SPEED project.

-- ADVERTISEMENT --