Ilulunsad ngayong araw sa Tuguegarao City ang kauna-unahang online application para sa nais mag-apply ng medical assistance at social assistance mula sa Senate Public Assistance Office (SPAO).
Layon nitong mailapit pa ang serbisyong handog ng Senado at mapadali ang pagbibigay ng tulong sa pagitan ng mga nangangailangan at iba pang kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Senate Spokesperson Atty Arnel Bañas, isasagawa ang soft launch ng bagong Senate Assist online platform sa Carig Integrated School sa Tuguegarao City.
Madali rin aniyang gamitin ang online portal kung saan maaari isumite ng mga kinakailangang detalye at dokumento bilang basehan sa pagproseso ng tulong na kakailanganin.
Nilinaw ni Bañas na ang tulong medikal sa mga nasasakupan ng mga Senador ay sa pamamagitan ng Department of Health lamang habang sa social services ay sa Department of Social Welfare and Development.
Ang mga indibidwal na ma-aprub ang aplikasyon ay mabibigyan ng guaranteed letter na maaaring makakuha ng medical assistance program mula sa mga DOH accredited hospitals o social services gaya ng burial assistance, tuition, balik-probinsiya at iba pa.
Sa mga may katanungan, maaaring magtext sa SPAO sa numerong 0960-268-5285.