Sinimulan na noong nakaraang Linggo ng Philippine Army ang online registration para sa mga kabataan sa Cagayan Valley at Cordillera region na nais magsundalo at magsilbi sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maj. Danny Rey Nieves, hepe ng army recruitment office- Luzon na ang Pre-Entry Exam para sa Armed Forces of the Philippines Skills and Aptitude Test (AFPSAT) ay isasagawa ngayong Hunyo at bukas para sa mga gustong maging opisyal at candidate soldier.

Ang mga kailangan para sa mga college graduate o may 72 units sa kolehiyo ay diploma, transcript of records, PSA Birth Certificate, at least 5 ft. ang taas at walang asawa na kailanman hindi nagkaroon ng anak.

Sa mga Senior High School o K-12 graduate naman ay Diploma, Form 137, PSA Birth Certificate, at least 5 ft ang height at walang asawa na kailanman hindi rin nagkaroon ng anak.

Sinabi ni Nieves na makikita ang online registration sa facebook page ng Army Recruitment Office Luzon at dito rin iaanunsyo ang final schedule ng exam sa mga testing center sa Kalinga, Tuguegarao City, at sa 5ID headquarters sa Gamu, Isabela.

-- ADVERTISEMENT --

Dadaan naman sa masusing screening ang mga aplikante bago isailalim sa AFPSAT test kung saan prayoridad ang mga nakapagtapos ng pag-aaral para sa kanilang mga kursong natapos na nais mapabilang sa Officer Candidate Course na may 1,000 slots para sa exam habang 600 slots naman sa undergrad para sa candidate soldier.

Ayon kay Nieves, ang mga matatanggap ay makakakuha ng buwanang sahod na hanggang P50,000, insurance, healthcare, at housing benefits at iba pang mga oportunidad sa kanilang permanenteng trabaho.