Hindi inaprubahan ng Tuguegarao City Council ang pagkakaroon ng Baratilyo kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng lungsod sa darating na buwan ng Agosto.

Ito ang napagkasunduan ng mga miyembro ng sanguniang panlungsod matapos ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at batay sa datos ng City Health Office ay pumalo na sa higit 100 ang active cases.

Sinabi ni City Councilor Jude Bayona, chairman ng Committee on Appropriation, Ways and Means, nangangamba pa rin sila sa posibilidad na muling pagsipa ng kaso ng virus sa lungsod kaya’t mas mahalaga na ikunsidera ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.

Paliwanag niya, tuwing nagkakaroon ng baratilyo sa Tuguegarao ay hindi lamang mga residente na mula sa lungsod ang nagtutungo upang mamili kundi maging ang mga mula sa iba’t ibang munisipalidad at sa pagdagsa ng tao ay mahirap ipatupad ang mga safety protocols.

Saad niya, bukod sa baratilyo ay wala ng iba pang aktibidad ang kinansela ng konseho ngunit ito ay nakadepende pa rin sa kung ano ang iaanunsyong panuntunan ng National Inter Agency Task Force sa susunod na buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Umapela naman si Bayona sa publiko na sana ay intindihin ang kanilang katayuan sa naging desisyon dahil ito ay bilang bahagi lamang ng kanilang pag-iingat na maiwasan ang pagtaas ng impeksyon ng virus.