Inaprubahan sa konseho ng lungsod ng Tuguegarao ang muling pagkakaroon ng night market sa lungsod matapos itong talakayin sa ginanap na session.
Ayon kay City Councilor Jude Bayona, maraming mga ambulant vendors ang humihiling na muling pahintulutan ang operasyon ng night market ngayong holiday season upang mabigyan sila ng pagkakataon na kumita kayat ito naman ay tinugunan ng konseho.
Sa oras na malagdaan at mapagtibay ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang ipinasang ordinansa ay magsisimula ang operasyon nito sa December 9 hanggang 31 ngayong taon at ito ay ilalagay sa kahabaan ng Gomez St. corner Bonidacio St. sa palibot ng Tuguegarao City Commercial Center.
Kaparehong panuntunan din aniya ang ipatutupad katulad sa mga nakaraang pagkakaroon ng night market kung saan prioridad ang mga nagtitinda sa loob ng Commercial Center na may kaukulang bayad sa kada gabi na P30 habang 100 naman para sa mga ambulant vendors.
Bawat negosyante ay mabibigyan ng 2×3 meters na sukat ng puwesto at magsisimula ang kanilang operasyon alas sais ng gabi hanggang alas dos ng madaling araw.
Samantala, ipinasa na rin ng konseho ang mahigit P1.3B na executive budget para sa taong 2024.
Sinabi ni Bayona na dumaan sa pagbusisi ng konseho ang naturang pondo at lahat ng mga department heads ay ipinatawag upang depensahan ang alokasyon ng pondong nakapaloob sa ilalim ng kanilang mga opisina.
Pangunahin aniya sa mga pondong pinaglaanan ng malaking halaga ay ang sektor ng agrikultura, edukasyon at kalusugan.
Saad ni Bayona, lahat ng mga departamento ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ay nabigyan ng kaukulang pondo na magagamit upang maisulong ang kanilang mga mandato at programa at kasama rin sa napondohan ay ang pag-upgrade at pagsasaayos sa elevator at escalator ng Tuguegarao City Commercial Center, pondo para sa calamity fund at marami pang iba.
Naniniwala si Bayona na sa pamamagitan ng naturang pondo ay lalo pang maisusulong ng pamahalaang panlungsod ang mga programa at proyektong mapapakinabangan ng taong bayan.