Aprubado na sa konseho ng Tuguegarao City ang muling pagbubukas ng operasyon ng night market sa lungsod ng Tuguegarao.
Ito ay matapos na pagtibayin ito sa pamamagitan ng ipinasang ordinansa na tatagal hanggang anim na buwan mula December 8 2022 hanggang June 30, 2023.
Ayon kay Tuguegarao City Councilor Jude Bayona, ginawa nila ang nasabing hakbang alinsunod na rin sa kahilingan ng mga miyembro ng asosasyon ng mga ambulant food vendor sa lungsod at ito ay upang matulungan rin sila na magkaroon ng karagdagang kita.
Nasa 2×3 meters ang ilalang puwesto sa bawat magtitinda at kinakailangan din nilang magbayad ng P30.00 sa LGU Tuguegarao sa bawat gabi ng kanilang operasyon.
Bukod dito, ang mga pinapayagan lamang na makakuha ng puwesto upang magtinda ay ang mga ambulant vendors na residente dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Mula alas 5:45 ng hapon hanggang 2:00am ay isasara ang Gomez St.,corner Bonifacio St, Del Rosario St. hanggang sa bahagi ng Taft St upang dito pupuwesto ang lahat ng mga ambulant vendors na aayusin batay sa uri ng kanilang mga paninda.
Gayonman, nakapaloob din sa ordinansa na dapat tiyakin ng mga vendors na naipatutupad ang health and safety protocol at ang pag-obserba sa kalinisan at tamang pagtatapon ng mga basura.