
Patay ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard kagabi matapos siyang pagbabarilin sa national highway sa Barangay Veterans, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Kinilala ang biktima na si Lieutenant Junior Grade Glennick Ytang, 32 anyos, ng Barangay Cabantian, Davao City, commander ng Coast Guard Ipil Sub-Station.
Sinabi ni Major Marjan Sali, hepe ng PNP Ipil, nakita ng mga rumesponde ang biktima sa loob ng kanyang pickup, na may mga tama ng baril sa kanyang ulo, kaliwang kamay, at kaliwang dibdib, na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Batay sa initial reports, pabalik ang biktima sa kanyang sasakyan matapos na bumili ng kape sa malapit na tindahan at may kausap sa telepono habang naglalakad papunta sa kanyang pickup truck.
Ayon sa mga saksi, matapos ang pamamaril sa biktima, agad na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo.
Nakuha ng crime scene investigators ang deformed slugs at anim na empty shells ng caliber 9mm.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril sa biktima.










