Maglulunsad ang Commission on Elections (COMELEC) ng OPLAN BAKLAS bukas, March 28, kaugnay ng pagpasok ng kampanya para sa nalalapit na halalan 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay atty. Jims Dandy Ramos, Election Officer ng Tuguegarao, sinabi niya na ang operasyon ay magsisimula ng 6 AM sa Metropolitan Cathedral at sunod sa ibang bahagi ng Tuguegarao.

Ilan sa mga ahensiyang makikilahok sa operasyon ay ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Fire Protection (BFP), Cagayan Electric Cooperatives (CAGELCO), at iba pang miyembro ng OPLAN BAKLAS.

Ayon kay Ramos, ang operasyon ay nakatuon sa pag-aalis ng mga campaign materials sa mga lugar na hindi itinalaga ng COMELEC bilang “common poster areas” at upang layuning tiyakin ang malinis at makatarungang halalan.

Binanggit din ni Ramos na ang mga pampublikong lugar tulad ng mga kalye, tulay, mga poste ng kuryente, mga paaralan, simbahan, at pangunahing mga kalsada ay hindi pinapayagan para sa mga campaign materials maliban na lang kung ito ay nasa designated common poster area ng COMELEC.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw naman ni Ramos na para sa mga pribadong residensya o lugar, pinapayagan ang paglalagay ng campaign materials, basta’t may pahintulot mula sa may-ari ng lupa o bahay.

Tinutukan ni Atty. Ramos ang kahalagahan ng pantay-pantay na laban para sa mga kandidato na kaugnay ng resolution 11086 ng COMELEC- Fair Election Act.

Ayon sa kanya, ang layunin ng Oplan Baklas ay upang tiyakin na “kung patas ang pangangampanya, magiging patas ang tingin ng mga tao sa mga kandidato.”

Sa pamamagitan din umano ng operasyon, malalaman kung sino ang mga tunay na nararapat na iluklok sa pwesto at dapat na mamuno sa bayan at sa lungsod ng Tuguegarao.

Hinimok naman ni Atty. Ramos ang mga mamamayan at mga kandidato na sundin ang mga batas ng COMELEC.

Aniya, ang maayos na pagpapatupad ng mga patakaran ay isang hakbang tungo sa malinis na halalan at makatarungang proseso para sa lahat.