TUGUEGARAO CITY-Inilunsad ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at Office of the Presidential Advicer for Northern Luzon (OPANL) ang “Oplan Bangon Batanes” na mangangasiwa sa pagbangon ng mga naapektuhan ng dalawang malakas na lindol sa Itbayat, Batanes.
Ito ay sa pamumuno at inisyatiba ni Presidential Adviser for Northern Luzon at CEZA Director Raul Lambino na nasa ilalim ng Office of the President.
Kaugnay nito, sinabi ni Charlotte Collado, media coordinator ng CEZA na bukas ang kanilang opisina sa Tuguegarao City para sa pagtanggap ng anumang donasyon para sa mga biktima ng lindol.
Nakapag-paabot na rin ang CEZA ng paunang tulong sa mga biktima ng lindol noong Sabado na kinabibilangan ng 1, 500 gallons ng mineral water at 2, 000 food packs.
Nasa biyahe na ang 2nd batch ng tulong sa Itbayat na 1, 550 na relief goods, 630 gallons ng mineral water at 750 bottled water na ipinadala sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense.