
Bubuksan ng Department of Health (DOH) ang bagong “sumbungan” upang labanan ang pagkaantala ng mga Super Health Center sa bansa.
Ito’y para magbigay ng direktang boses sa publiko sa nasabing ahensya.
Ilulunsad ng DOH simula Lunes ang “Oplan Bantay Super Health,” kung saan maaaring agad magpadala ng litrato at video ang mga mamamayan bilang ebidensya ng mga nakatenggang pasilidad sa kanilang lugar.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, layon ng inisyatibang ito na pabilisin ang pagtugon ng gobyerno at masiguro na nagagamit nang maayos ang pondong inilaan para sa kalusugan.
Bahagi rin umano ito ng Citizen Participatory Audit, na nagbibigay ng kapangyarihan sa publiko na makilahok mismo sa pagmo-monitor ng mga proyekto.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng DOH sa mga natuklasang pasilidad sa Marikina at Antipolo na ilang taon nang natengga, habang nasa kamay na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang listahan ng mahigit 300 ang hindi pa operational na Super Health Center sa Pilipinas.