Nagsimula na ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa pagbibigay ng impormasyon sa panganib na dulot ng paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa pagdiriwang ng pasko at pagsalubong ng bagong taon.

Sinabi ni Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng CVMC na patuloy ang pamimigay ng impormasyon ng Public Health Education and Promotion Unit ng ospital sa kanilang mga pasyente at social media kaugnay sa ligtas na pagdiriwang ngayong holiday season.

Ayon kay Antonio na bahagi ito ng Oplan Iwas Paputok Campaign ng Department of Health upang maiiwas sa kapahamakan ang publiko dahil sa paggamit ng mga paputok.

Tiniyak din ni Antonio na nakahanda ang kanilang personnel at pasilidad na tutugon sa mga hindi inaasahang insidente.

Ipinayo naman ni Health Undersecretary Glenn Mathew Baggao ang paggamit ng mga alternatibong pampa-ingay para matiyak ang ligtas at masayang pagdiriwang ng pasko at Bagong Taon.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa si USec. Baggao na natuto ang publiko sa mga iniwang pinsala o biktima ng mga paputok sa nakalipas na selebrasyon kung saan ilan sa mga ito ay nabulag at naputulan ng daliri.

Binigyang diin niya na taun-taon na mayroon nadidisgrasya dahil sa paggamit ng mga malalakas na paputok na sana ay hindi na maulit ang mga naturang insidente ngayong taon.

Pinaghihinay-hinay din ang publiko sa pagkain ng mga matataba at maaalat para maiwasan ang pag-atake ng hypertension.