Inirekomenda ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang pagbuo ng drug-free workplace ordinance para sa mga business establishments at mga subdibisyon.
Ang apela ay ginawa ni Provincial Director Emerson Rosales ng PDEA RO2, kasabay ng inilunsad na drug free workplace sa mga hotels, restaurants, bars, subdivision at warehouses sa pilot implementation ng programa sa Tuguegarao City.
Layon nito na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga business establishments, kabilang ang mga frontliners tulad ng security agency tungkol sa usapin ng illegal drugs.
Hinikayat ni Rosales, ang lahat ng business establishments sa lungsod na magpatupad ng isang ligtas at drug-free environment sa kanilang workplace, i-educate ang kanilang mga empleyado sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot at magsagawa ng random drug tests sa lahat ng kanilang mga opisyal at empleyado.
Sinabi naman ni Randy Pulmano, chief operations division ng PDEA RO2 na nabuo ang Oplan Kalasag alinsunod sa Dangerous Drugs Board No.8, Series of 2003 o ang “The Guidelines for the Implementation of a Drug-Free Workplace Policies and Programs for the Private Sector.
Aniya, ang programa ay nagbibigay din ng impormasyon sa mga modus operandi ng mga drug syndicate sa mga business establishments ata subdivisions na ginagamit na drug dens, laboratories at warehouse.