Walong madadaya at depektibong timbangan ang kinumpiska at sinira sa isinagawang Oplan Timbangan sa pamilihang bayan ng Sanchez Mira.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mar Anthony Alan, Trade and Industry Development Specialist ng DTI-RO2 na karamihan sa mga nakumpiskang madayang timbangan ay mula sa vegetables at meat section.
Ayon kay Alan ang Operasyon Timbangan ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Consumer Welfare Month kung saan binibisita ng DTI ang mga pamilihan upang ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng pagiging konsyumer gayundin ang kanilang karapatan.
Bahagi rin nito ang inspeksyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin upang masiguro na hindi lumalabag sa batas ang mga nagtitinda.
Samantala, nag-umpisa na rin ang DTI-Cagayan ng monitoring sa presyo ng pang-noche Buena upang maiwasan ang pagsasamantala ng ibang negosyante kapag ganitong papalapit ang pasko o bagong taon.
Pinaigting din ng DTI ang pag-iinspeksyon sa mga establisyementong nagtitinda ng Christmas lights upang alamin kung sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ng produkto.
Payo ng DTI, kung bibili ng appliances na galing sa ibang bansa ay unang hanapin ang Import Commodity Clearance o ICC sticker bilang patunay na pumasa ang mga ito sa Philippine standards.
Kung lokal na produkto, kailangan mayroon itong Philippine Standard (PS) mark.