Tuguegarao City- Ipinasa na ng Sanguniang Panlalawigan ng Cagayan ang ordinansa kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng 14 day quarantine sa lahat ng mga babalik ng probinsya sakaling paiiralin na ang General Community Quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay 1st District Board Member Christopher Barcena, layunin nitong masiguro ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng nararanasang banta ng COVID-19 pandemic.

Aniya, sa ilalim ng ipinasang ordinansa ay mandato ng mga opisyal ng barangay at bawat munisipalidad na bantayan ang kanilang mga nasasakupan.

Upang matiyak ang wastong implimentasyon ay magkakaroon ng direct monitoring ang mga nakatalang opisyal na dapat magpatupad sa nasabing ordinansa.

Paliwanag nito, kahit kabilang sa hanay ng “Autorized Person Outside Residence” ang papasok sa lalawigan basta’t galing ng ibang mga lugar na apektado ng virus ay kailangang sumunod sa panuntunan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad din sa ilalim ng ordinansa na maaaring patawan ng multa hanggang P3,000 at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan ang sinumang lalabag.

Samantala, ipinasa na rin aniya ng Sangunian ang isang resololusyon na nag-aatas sa mga private business establishments na bigyan ng 50% discount sa renta ng mga negosyanteng nagsara ang puwesto mula ng pairalin ang ECQ.

Ito aniya ay bilang apela na rin sa mga may-ari ng puwesto na bigyan ng konsiderasyon ang mga umuupa na hindi rin kumita dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga ito.

Sa ngayon ay umaasa naman ang opisyal na sakaling pairalin na ang GCQ sa probinsya ay maipatutupad ng maayos ang mga alituntunin na dapat sundin laban pa rin sa banta ng COVID-19.