Patuloy ang panawagan ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa mga Local Government Units (LGUs) na magpasa ng lokal na ordinansa para sa pagbuo ng Provincial, City o Municipal Meat Inspection Service sa kanilang nasasakupan upang palakasin ang local meat inspection system sa rehiyon dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NMIS-Region 2 Director Dr. Lilia Juliana Fermin na mahalaga ang pagkakaroon ng local meat inspection service upang masigurong ligtas ang lahat ng meat products na ibinebenta sa mga pamilihan na naaayon sa RA 7160 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.
Ayon kay Fermin, naisalin ang kapangyarihan at mga functions sa LGU mula sa NMIS at ilan lamang sa na-devolved na functions ay ang pagkakaroon ng accredited na slaughter houses at meat inspection.
Bukod pa rito ang pagpapatupad sa Agriculture Adminsitrative Order No. 5 at 6 kaugnay sa regulasyon sa malinis na paghahanda at pagbebenta ng bagong katay na karne sa pamilihan para sa proteksyon ng kalusugan ng mga mamamayan.
Mahalaga aniya na ligtas at malinis ang karneng nabibili natin sa palengke at supermarket upang maiwasan ang pagkakasakit kung kayat may mga responsibilidad na dapat tuparin ang lokal na pamahalaan.
Sa provincial level ay nakabuo na ang Cagayan ng Provincial Meat Inspection Service habang ang Isabela at Nueva Vizcaya ay inaayos na rin nila ang kanilang provincial ordinance sa pagbuo nito.
Inaantay na lamang din ng Santiago City, Isabela ang paglabas ng ordinansa kaugnay sa pagkatatag ng City Meat Inspection Service.
Bukod dito, umaasa naman si Fermin na maipatutupad sa bawat pamilihan ang CODEX standard sa pagkakaroon ng cold storage upang mapanatili ang tamang temperatura para mapanatiling sariwa ang mga karne.
Samantala, batay sa monitoring ng ahensya ay compliant naman ang mga pamilihan sa handling ng mga locally produced meat products at imported meat kung saan nananatili namang sapat ang suplay sa rehiyon ngunit nagiging matumal ang bentahan sa merkado dahil sa mataas na presyo nito.
Ang NMIS ay isang ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Agriculture na may pangunahing tungkuling magbalangkas at magpatupad ng mga polisiya, pamamaraan, at mga alituntunin kaugnay sa post production flow ng livestock at meat and meat products sa iba’t ibang aspekto ng marketing, proper handling, inspection, processing storage at preserbasyon ng mga produktong karne.
Ito rin ang ahensyang may pangunahing tungkuling protektahan ang interes, kalusugan at pangkalahatang kapakanan ng meat consuming public at paunlarin ang livestock at meat industry ng bansa.