Tuguegarao City- Aprubado na sa konseho ng Tuguegarao ang ordinansang naglalayong palawigin ang paggamit ng COVID Shield Control Pass at travel pass sa mga residenteng lumalabas at pumapasok sa lungsod.
Sa panayam kay City Councilor Reymund Guzman, ito ay upang mabantayan at malimitahan ang galaw ng publiko para makaiwas sa paglala ng local transmission ng covid-19.
Nakapaloob sa ordinansa ang iba’t ibang uri control pass tulad ng residence pass para sa mga residente ng barangay na lalabas at mamimili ng mga pangunahing pangangailangan.
Kasama pa rito ay ang vendors pass at employee-employers pass.
Aniya, mayroon na ring control pass para sa mga online sellers na kukunin sa City Business Permit and Licensing Office, transient pass para sa mga nais pumunta ng lungsod at iiwan din sa mga boundary checkpoints pag-uwi sa kanilang pinanggalingang lugar.
Kabilang pa sa mga nadagdag ay ang religious pass para sa mga pastor at pari na magsasagawa ng religious activities at professionals pass.
Paliwanag ni Atty. Guzman, valid pa rin ang mga nauna ng inissue ng pamahalaang panlungsod na covid shield pass noong panahong umiral ang ECQ at MECQ sa lungsod kaya’t hindi na kailangang kumuha pa ang mga nabigyan na.
Sinabi pa niya na alinsunod sa ordinansa ay kailangan namang magpakita ng authenticated photocopy ng travel pass ang mga mangagaling sa ibang mga bayan sa Cagayan maliban lang sa mga taga Solana, Penablaca at Iguig.
Office ID naman ang kailangang ipakita ng mga nagtatrabaho sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga empleyado ng banking institutions.
Ayon pa kay Atty. Guzman, para naman sa mga may appointment sa usaping medical na magtutungo sa Tuguegarao ay kailangang iprisinta din ang kanilang mga medical certificate habang Certification na mangagaling sa barangay naman iapapakita ng mga nasa hanay ng agricultural at mga skilled workers.
Nilinaw ng opisyal na ang sinumang mahuhuling hindi sumusunod sa panuntunan ay papatawan ng multang P500 sa unang paglabag, P1K sa ikalawa habang P1,500 sa ikatlong paglabag na may pagkakakulong ng 30 araw.