TUGUEGARAO CITY-Naglabas ng ordinansa ang Local Government unit (LGU)-Piat, Cagayan, na obligahin ang mga kukuha o maglalabas ng mga dokumento na magtanim ng tatlong seedlings ng punong kahoy.
Ayon kay Mayor Carmelo Villaciete ng Piat, Cagayan, ito ay bilang ambag ng munisipyo sa pangangalaga sa kalikasan.
Aniya, sakop ng naturang ordinansa ang mga kukuha at nagrerenew ng business permit, prangkisa, clearance at bago makakuha financial assistance ang mga scholar ng munisipyo.
Sinabi ni alkalde, naisipan niyang ilabas ang executive order no.31 series of 2019 dahil sa naranasang malawakang pagbaha sa probinsiya dahil sa nangyayaring kaingin o pagkaputol ng mga punong kahoy sa mga kabundukan.
Kaugnay nito,sinabi ni Villaciete na nagtalaga ang kanilang himpilan ng magmomonitor sa mga naitanim para masiguro na nasusunod ang ibinabang kautusan.
Hindi rin aniya mare-renew ang mga mayor’s permit ng mga applikante kung namatay ang mga punong itinanim.
Sinabi ng opisyal na pakikinabangan din ng mga mamamayan ang programa dahil sa mga bakuran naman nila itatanim ang mga punong kahoy o di kaya’y sa bakanteng lote ng munisipyo na maari nilang pagtamnan ng mga ibibigay na seedlings.
Samantala, pinayuhan naman ng alkalde ang mga nag-aalagang hayop tulad ng kambing na itali ang mga ito para hindi kainin ang mga naitanim na punong kahoy.
Sinabi ng alkalde na siya mismo ang magkakaso ng malicious mischief at paglabag sa ordinansa sa mga mahuhuli na pinapabayaan ang alagang hayop na sumisira sa mga punong kahoy..