Obligado na sa lahat ng tanggapan ng lokal na pamahalaan, pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Lal-lo na magpatupad ng water break time bago magsimula ang oras ng klase o trabaho.

Ayon kay Sangguniang Bayan Secretary Joy Lagarico, ang inaprubahang water break ordinance ay iniakda ni Vice Mayor Olivia Pascual na kanyang nakuha sa school policy ng India kung saan mayroon silang tatlong mandatory waterbreak.

Ito ay nag-uutos sa lahat ng mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan na uminom ng tubig kada dalawang oras na magsisimula sa alas 8:00 ng umaga.

Ang pagtunog ng bell sa mga paaralan o buzzer sa LGU ay hudyat ng pangangailangang uminom ng tubig.

Hinihikayat din ang mga magulang na suportahan ang ordinansa sa pamamagitan ng pagtiyak na ang kanilang mga anak ay may sapat na suplay ng inuming tubig na nasa isang bote habang mayroon namang naka standby na water refilling o water dispenser sa mga paaralan o workplace.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa nais itanim sa isipan ng bawat isa ang mabuting dulot ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig kada araw ay layon rin nito na maibsan ang init na nararanasan kahit pa nagtapos na ang tagtuyot sa bansa.