Itinanggi ng Office for Transportation Security (OTS) na may nangyaring tanim-bala extortion sa pamilya ng pasaherong alkalde sa Tuguegarao City Airport.
Kasunod ito ng nag-viral na video ng pasaherong si Alcala, Cagayan Mayor Cristina Antonio na biktima umano ng pagtatanim ng bala sa kanyang bagahe noong July 15.
Sa inilabas na pahayag ng OTS, walang naganap na tanim-bala modus o pangingikil kay Antonio sa inaakusahan na Security Screening Officer na si Herbert Bulan na 12-taon na sa serbisyo na may malinis na record.
Nilinaw ng OTS na pinayagan pa ring makabiyahe si Antonio matapos kumpiskahin ang umanoy bala sa kanilang bagahe.
Sinabi rin umano ni SSO Bulan na kilala niya sa larangan ng pulitika si Mayor Antonio na madalas na bumibiyahe sa paliparan kung kaya ibinigay nito ang kagandahang-loob mula pagpasok hanggang sa Final Security Screening Checkpoint.
Samantala, ikinadismaya ni Mayor Antonio sa isang post sa social media ang naging pahayag ng OTS nang walang nangyaring imbestigasyon.