Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong araw, Abril 13, ang opisyal na buwanang panahon ng pagboto para sa mga rehistradong overseas Filipino voters para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon sa Comelec, nagsimula ang overseas voting bandang alas-8 ng umaga (local time) at tatagal ito hanggang alas-7 ng gabi sa Mayo 12 — kasabay ng pagtatapos ng pagboto sa Pilipinas.
Pormal na binuksan ang overseas voting matapos ang pagsasara ng test voting para sa mga botanteng kasali sa Online Voting and Counting System noong Sabado, Abril 12, ganap na 11:59 ng gabi (Philippine Standard Time).
Ipinahayag ng Comelec na ang mga botante sa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Embassy sa Wellington, New Zealand ang unang nakaboto, ganap na alas-4 ng madaling araw sa oras ng Maynila.
Sa tala ng Comelec, may kabuuang 1.231 milyong rehistradong overseas Filipino voters para sa darating na halalan.
Gayunman, hanggang nitong Biyernes, Abril 11, nasa 48,000 pa lamang ang nakapag-enroll sa pre-voting enrollment system para sa internet voting.
Noong nakaraang halalan kung saan may 1.697 milyong overseas voters, nakapagtala ang Comelec ng 40.59% voter turnout — ang pinakamataas sa kasaysayan.