Inalerto ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang mga tauhan para sa posibleng mass repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Ito ay kasunod ng airstrike ng US at Israel laban sa Iran na nagdulot ng pagkabahala sa mga Pilipino na nagtatrabaho doon.

Ayon kay OWWA Region 2 Director Versi Tamayao, nagpatawag na ng pulong si Administrator Patricia Yvonne Caunan upang paghandaan ang mga hakbang sakaling kailanganing ilikas ang mga OFW na nais umuwi sa Pilipinas.

Sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW), umabot na sa 1,400 OFW mula sa United Arab Emirates, Abu Dhabi, Bahrain, Kuwait, at Qatar ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang makabalik sa bansa dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.

Tiniyak din ng opisyal na may nakalatag nang sistema ng tulong para sa lahat ng OFW na apektado, rehistrado man o hindi. Kabilang dito ang pinansyal na tulong, tulong para sa agarang pangangailangan, at psychosocial debriefing at counseling para sa mga nakakaranas ng stress at trauma.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipag-ugnayan din ang OWWA sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa rehiyon upang masiguro ang agarang aksyon para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.

Sa ngayon, wala pang pamilya ng mga OFW mula sa Lambak Cagayan ang nakikipag-ugnayan sa OWWA Region 2.

Pinayuhan din ni Tamayao ang mga OFW na manatiling kalmado, maging updated sa mga impormasyon, at makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno kung kinakailangan.

Tiniyak ng OWWA na patuloy silang tutulong sa mga OFW upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kapakanan sa gitna ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.