Aabot sa P1.2 bilyon ang nasayang na pondo ng pamahalaan matapos ipagpaliban ang 2025 Bangsamoro Parliamentary Elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Malaking bahagi ng nasabing halaga ay inilaan para sa pag-imprenta ng mahigit 2.3 milyong balota at pag-upa sa mga kagamitan para sa halalan.

Kasama rin dito ang mga nagastos na bahagi ng deployment at procurement na hindi na magagamit dahil sa pagpapaliban.

Inatasan ng Korte Suprema na ipagpaliban ang halalan na orihinal na itinakda sa Oktubre 13, 2025, matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga Bangsamoro Autonomy Acts (BAA) 58 at 77 na may kaugnayan sa redistricting.

Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, dapat isagawa ng Comelec ang Bangsamoro Parliamentary Elections bago matapos ang Marso 2026, habang ang Bangsamoro Transition Authority ay binigyan hanggang Oktubre 30, 2025 upang bumuo ng bagong batas para sa redistricting.

-- ADVERTISEMENT --

Target ng Comelec na ilunsad ang filing ng certificates of candidacy at reconfiguration ng automated counting machines sa Enero 2026, habang nakatakda naman ang pag-imprenta ng mga bagong balota sa Pebrero 2026.

Samantala, tiniyak ng Bangsamoro Transition Authority na magsisimula agad ito sa paggawa ng bagong redistricting law bilang paghahanda sa halalan.