Apat na kalalakihan mula National Capital Region ang nadakip habang ibinibiyahe ang P1.2 milyon halaga ng marijuana bricks sa checkpoint ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy Alunan, Quezon, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina Jayson Pallares, 23-anyos; Alvin Guiyab, 20 anyos, kapwa driver, Jerwin Lipalam, 24-anyos at isang 17-anyos na inaalam pa kung talagang menor de edad.
Ayon kay PLT Col. Andree Abella, tagapagsalita ng PNP-RO2 na unang inilatag ang police checkpoint sa Rizal, Kalinga matapos matanggap ang impormasyon sa ipupuslit sanang marijuana patungong Maynila subalit iniwasan ng mga suspek ang checkpoint at mabilis na tumakas.
Agad namang nakipag-ugnayan ang PNP-Rizal sa Isabela Police Provincial Office at agad inalerto ang checkpoint ng PNP-Quezon kung saan nasakote ang sasakyan ng mga suspek na galing ng Kalinga.
Nang inspeksyunin ang sasakyan, natagpuan ang 10 marijiuana bricks na tumitimbang ng mahigit 10 kilo, isang kalibre 38 na baril at mga bala.
Lumilitaw na pangalawang biyahe na ito ng mga suspek ngayong Hunyo sa pagbebenta ng marijuana.
Sinabi ni Abella na napilitan umanong sumama sa biyahe ang isa sa dalawang driver matapos mawalan ng pagkakitaan dahil sa pandemya bilang jeepney driver sa Maynila.
Nabatid pa na nagpalipas ng gabi at natulog sa kanilang kotse ang mga suspek sa isang gasoline station sa Rizal, Kalinga
Nahaharap ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.