Tuguegarao City- Mamamahagi ng P100k cash assistance ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng barangay bilang tugon sa epekto ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Ito ay alinsunod sa programang “No Barangay Left Behind” na naglalayong tulungan ang publiko sa gitna ng kinakaharap na krisis na bunsod ng COVID-19

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cagayan Governor Manuel Mamba, kasabay aniya ng ipinapamahaging relief goods ay kailangan bigyan ang taong bayan ng ayuda upang may magamit sa ganitong sitwasyon.

Aniya, iaabot ang naturang ayuda sa mga opisyal ng barangay upang sila ang tumukoy sa karapat dapat na mabigyan nito.

Paliwanag ng Gobernador, nakapaloob sa programang “No Barangay Left Behind” ang pamamahagi ng P200k sa bawat barangay sa buong lalawigan ngunit P100k muna ang ibibigay dahil titignan nito kung papaano gagawin ng mga opisyal ng barangay ang pagtulong sa mga nangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa kwalipikasyon ng makakatanggap ng cash assistance ay ang mga pamilyang kabilang sa hanay ng “poorest of the poor”

Ayon sa Gobernador, isa itong alternatibo ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan habang hinihintay ang karagdagan pang ayuda mula sa National Government.

Muli namang tiniyak ni Gov. Mamba ang pagtulong sa publiko bilang bahagi ng kanyang mandato bilang ama ng lalawigan ng Cagayan.

Panawagan pa nito sa lahat na sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin upang makaiwas sa banta ng naturang sakit.