Maglalaan ng P100 milyon ang pamahalaan para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa Region 2.
Ito ang sinabi ni Department of Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III sa isinagawang PRE-SONA sa Peñablanca, Cagayan bilang paghahanda para sa ika-6 at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng Hulyo.
Sa naturang halaga, sinabi ng kalihim na mabibigyan ng P40 milyon ang lalawigan ng Isabela, tig-P20 milyon para sa Cagayan at Quirino, P10 milyon sa Nueva Vizcaya habang 100 motorized banca ang ibibigay ng pamahalaan sa Batanes.
Kasabay nito, inihayag ni Bello na umabot na sa 200K benepisaryo ang natulungan sa ilalim ng nagpapatuloy na TUPAD program ng DOLE sa Region 2 habang 12,000 benepisaryo naman sa livelihood assistance.
Kabilang pa sa programa ng pamahalaan ang National Employment Recovery Strategy (NERS) bilang tugon sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Aabot naman sa P5 bilyon ang inilaan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation o pagpapauwi sa mga distressed overseas Filipino workers (OFWs).