Naibigay na ng gubyerno ng Tsina ang ipinangakong P10 milyon na tulong-pinansyal sa mga biktima ng 5.4 at 5.9 magnitude na lindol na tumama sa Itbayat, Batanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Batanes Governor Marilou Cayco na personal na ibinigay ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua ang tulong-pinansyal kahapon, August 9.
Ayon kay Cayco, ibababa pa ang pondo sa Department of Interior and Local Government (DILG) RO2 at magkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa provincial government of Batanes para sa paggagamitan ng pondo.
Plano naman ng gubernador na ilaan ang naturang donasyon para sa rehabilitasyon ng mga tradisyunal na bahay na bato na nasira sa lindol.
Matatandaang nagbigay din ang China ng US$100,000 bilang emergency humanitarian assistance para sa magnitude 6.1 earthquake na tumama sa Pampanga noong Abril.
Samantala, magpupulong sa susunod na Linggo ang National Economic and Development Authority para sa rehabilitasyon sa mga pampublikong istruktura na sinira ng lindol sa Itbayat na nangangailangan ng P313 milyon na pondo.
Ikinagalak rin ni Cayco ang patuloy na pagbuhos ng mga tulong mula sa ibat-ibang sektor na kauna-unahan sa kasaysayan ng Batanes tuwing may kalamidad.
—with reports from Bombo Marvin Cangcang