
Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Bayang Bumabasa Initiative na naglalaan ng P131 milyon para suportahan ang 131 paaralan na nangangailangan ng agarang tulong sa pagpapalakas ng literacy.
Ang mga benepisyaryong paaralan ay tinukoy batay sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment para sa SY 2024–2025, kabilang ang 25 na nasa geographically isolated and disadvantaged areas.
Magbibigay ang programa ng hanggang P1 milyon bawat paaralan upang maisagawa ang mga lokal na programang nakatuon sa pagpapabasa.
Kabilang dito ang paggawa ng mga materyales na nakabatay sa lokal na wika at kultura, pag-ayos ng mga espasyo para sa pagbabasa, at pagbili ng mga kagamitang pang-remedial na gagamitin sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3.
Saklaw ng inisyatiba ang iba’t ibang lugar sa bansa — mula sa upland communities sa Cagayan, interior highlands ng Samar, hanggang coastal areas sa Sultan Kudarat — bilang bahagi ng layuning maabot ang mga komunidad na madalas na napag-iiwanan sa edukasyon.
Pinahihintulutan ang mga paaralan na gamitin ang pondo batay sa kanilang Literacy Improvement Plans at pagsasama nito sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Katuwang sa pagpapatupad ang mga Local Literacy Councils, Local School Boards, at iba’t ibang organisasyon tulad ng Synergia Foundation, habang magbibigay ng suporta ang mga Teacher Education Institutions sa pamamagitan ng mga pre-service teachers.
Pinatitibay ng pinagsamang pondo ng DepEd, suporta mula sa LGUs, at gabay mula sa mga TEI ang layunin na mapabilis ang pag-angat ng kakayahang bumasa ng mga batang Pilipino at tiyaking walang batang maiiwan sa pagkatuto.









