Nadiskubre ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na naglalaman ng droga ang 21 parcels sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ang mga parcel ay idineklarang may lamang tsaa, wiring harnesses, damit, libro at skincare products.

Subalit nang busisiin ang laman ng mga parcel, nakita ang 7,000 grams ng kush o high grade marijuana at mahigit 1,200 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng halos P13 million.

Sinabi ni Arvin Targa, ng Philippine Drug Enforcement Agency, nakita ang mga nasabing iligal na droga matapos na idaan ang mga ito sa x-ray at maging sa K9 inspection, at sinuri din ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation.

Ayon kay Targa na nakikipag-ugnayan na sila sa foreign counterparts para sa isasagawang imbestigasyon kaugnay sa bansa kung saan galing ang mga parcel na tumanggi muna niyang sabihin.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na aalamin din nila ang mga nakasaad na consignee sa mga nasabing parcel para sa paghahain ng mga kaukulang kaso.

Nasa kustodiya ng PDEA ang mga ebidensya para sa laboratory examination.