Umaabot na sa inisyal na mahigit P15 milyon ang halaga ng napinsalang pananim at livestock sa lalawigan ng Cagayan dahil sa hagupit ng bagyong Maring.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, may P14.6 milyon na halaga ng pananim na palay at mais ang nasira sa pitong munisipalidad.

Apektado dito ang 1,030 na magsasaka at 1,205 ektarya ng agricultural areas.

Aabot naman sa P153,000 ang napaulat na nasira sa livestock mula sa tatlong munisipalidad.

Maaring madagdagan pa ang nabanggit na halaga sa napinsalang produktong agrikultura hanggang sa matapos ang isinasagawang monitoring.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, dalawa na ang bilang ng nasawi sa lalawigan ng Cagayan dahil sa bagyo matapos malunod ang isang dalaga sa kanilang bahay na nabaha dulot ng tubig-ulan na hanggang binti sa bayan ng Iguig, kaninang umaga.

Ayon kay Susan Darauay, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Iguig na posibleng inatake ng sakit na epilepsy ang biktimang si Sheryl Guim, 33 anyos ng Brgy Ajat.

Una rito, isang security guard ang namatay sa pagkalunod matapos mahulog sa dagat makaraang hampasin ng malakas na alon sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyo.

Inihayag naman ni Oliver Aguto, MDRRMO ng bayan ng Aparri na walang naitalang untoward incident sa Fuga island kung saan nag-landfall ang bagyo.

Anaiya, tanging ang mga napinsalang pananim lamang ang naitalang epekto ng bagyo sa naturang isla.

Sa bayan ng Allacapan, dalawang bahay ang nadaganan matapos matumba ang malaking punong kahoy sa Brgy. Centro west dahil sa lakas ng hangin kagabi at wala namang nasaktan sa nasabing insidente

Unti unti na rin bumabalik sa kanilang tahanan ang mga residenteng inilikas kasabay ng mabilis na pagbaba ng tubig-baha.

Unti-unti na ring naibabalik ang supply ng kuryente sa lalawigan na naputol kahapon dahil sa mga natumba at tumabinging poste bunsod ng malakas na hangin.

Ayon sa Malou Refuerzo ng NGCP, naayos na ang ibang linya ng kuryente at naibalik na ang suplay ng kuryente kabilang na dito sa lungsod ng Tuguegarao habang sinisikap na maibalik din ang suplay sa iba pang lugar.

Sa kabuuan, patuloy pa rin ang monitoring sa lahat ng lugar sa lalawigan at tuloy-tuloy ang pagbibigay ng family food packs sa mga apektadong pamilya.

Pinag-iingat pa rin ang mga residente lalo na sa malapit sa ilog cagayan matapos na magpakawala ng tubig ang magat reservoir kaninang alas tres ng hapon.