TUGUEGARAO CITY-Hindi umano solusyon ang pagpapautang ng gobierno ng P15,000 sa mga magsasaka na apektado ng pagpapatupad ng Rice Tarrification Law.
Ito ang reaksiyon ni Cathy Estabillo ng Bantay Bigas group sa binuong Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers (SURE Aid) ng Department of Agriculture o DA sa pakikipagtulungan ng Landbank of the Phils.
Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang diin ni Estabillo na patunay ito na palpak at hindi nakakatulong sa mga magsasaka ang Rice Liberalization Law kung kayat kung anu-anong programa ang naiisip ng pamahalaan para lang mapawi ang mga magsasaka sa kinakaharap na problema.
Binigyang diin ni Estabillo na hindi sapat ang P15,000 na pautang sa mga magsasaka kumpara sa tinatayang P65,000 na gastusin ng mga magsasaka sa pagtatanim ng palay dahil sa sobrang mahal na presyo ng mga farm inputs.
Sa ilalim kasi ng Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers, pauutangin ng P15,000 ang mga magsasaka na mayroong isang ektarya at pababa ang sakahan kung saan wala itong interest na babayaran sa loob ng walong taon.
Inihayag ni Estabillo na sobra-sobra ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil binabarat ng mga traders ang mga aning palay bunsod umano ng pagbuhos ng mga imported na bigas sa merkado.
Sa monitoring ng Bantay Bigas, nasa P7 hanggang P12 umano ang pagbili ng mga private traders sa produktong palay ng mga magsasaka.
Iginiit ni ng grupo na mas makakatulong ang pagbasura sa Rice Tarrification Law at ang paglalaan ng mas malaking pondo sa National Food Authority para bilhin ng ahensiya sa mas mataas na presyo ang mga aning palay ng mga local farmers.
Kaugnay nito, ikinabahala ng grupo ang pagtaas ng land speculation sa ibang lugar.
Nangangahulugan ito ani Estabillo na balak ng ibenta ng mga magsasaka ang kanilang sakahan dahil nawawalan na sila ng interest na bungkalin ito dahil sa sobra nilang pagkalugi.
Dito sa lalawigan ng Cagayan, naunang sinabi ni Vice Mayor Meynard Carag ng Solana, ang rice granary ng probinisya na ramdam ng mga magsasaka ang pagpapatupad ng Rice Tarrification Law dahil nabawasan din umano ang mga iniluluwas na palay sa ibang lugar dahil sa pagpasok ng mga imported na bigas.