Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 na fake news ang kumakalat na impormasyon online na nagsasabing may P150,000 financial assistance para sa mga umuuwing overseas Filipino worker (OFW) dahil sa kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Regional Director Virsie Tamayao, walang inilabas na ganitong programa ang ahensya at hindi rin totoo na nagmula ito kay OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan.

Babala ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW), maaaring makapanlinlang ang naturang impormasyon lalo na sa mga OFW na naghahanap ng tulong pinansyal.

Pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri sa mga nakikitang impormasyon online at sumubaybay lamang sa opisyal at verified na impormasyon mula sa OWWA at DMW para sa tama at napapanahong anunsyo.

Paglilinaw pa ng ahensiya na bagama’t walang P150,000 na ayudang ipinapamahagi, may umiiral na mga benepisyo para sa OWWA members tulad ng financial assistance, livelihood at reintegration programs, training assistance at scholarships.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas ang naturang impormasyon habang isinasagawa ang paglikas sa mga Pinoy workers na apektado ng tensiyon sa Gitnang Silangan.