
Isinusulong ng isang mambabatas ang pagbibigay ng P1,000 monthly allowance sa lahat ng mga estudyante sa buong bansa.
Inihain ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ang kanyang unang panukalang batas ngayong 20th Congress.
Sa ilalim ng House Bill No. 27, makakatanggap ng P1,000 na buwanang allowance ang lahat ng mga mag-aaral mula kindergarten hanggang kolehiyo, anoman ang estado ng kanilang buhay.
Layunin ng panukalang batas na makatulong sa pagkain, transportasyon, at iba pang gastusin sa pag-aaral, maiwasan ang madalas na pagliban sa klase at para mabuti ang academic performance ng mga mag-aaral.
Nakasaad din sa panukalang batas ang pagkakaroon ng mga donasyon at iba pang funding sources para suportahan ang national student allowance program.