
Iniimbestigahan na ng Department of Environment and Natural Resources ang nahuling helper ng isang elf truck na nagtangkang magbiyahe ng P1m na halaga ng mga hindi dokumentadong kahoy na Narra sa checkpoint sa Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Gwendolyn Bambalan, director ng DENR Region 2, partikular na inatasan nito ang PENRO at CENRO sa Nagtipunan, Quirino na siyang natukoy na address ng nahuling suspek na si Enrico Lavarez, 30-anyos na mag-imbestiga habang patuloy namang tinutugis ng pulisya ang driver ng truck na nakatakas.
Aalamin sa gagawing imbestigasyon ang may-ari at kung saan pinutol ang nasa mahigit 100 piraso ng Narra lumber at flitches o may volume na 3, 119 board feet.
Nabatid na ibibyahe sana papuntang Nueva Ecija ang mga kontrabandong kahoy na natakpan ng mga saging nang maharang ng pinagsanib na pwersa ng DENR at PNP.
Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines na isasampa laban sa mga suspek.
Kaugnay nito, pinuri ni PBGEN Christopher Birung, regional director ng PNP Region 2 ang kapulisan ng Nueva Vizcaya sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Birung, ipagpapatuloy ng kapulisan sa Lambak Cagayan ang kanilang mga pagsisikap upang matiyak na ang mga sangkot sa iligal na pagtotroso ay mananagot sa batas.
Binigyang diin niya na sa pamamagitan ng pagtutulungan ay mapapangalagaan ang mga kagubatan para sa mga susunod na henerasyon.




