Narekober ng mga otoridad ang mahigit P2 milyon na halaga ng marijuana bricks sa isang sasakyan na sangkot sa naganap na vehicular accident sa Tabuk City, Kalinga.

Ayon kay P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office, unang rumesponde ang mga tauhan ng Traffic Management Unit sa nangyaring head-on collision na kinasasangkutan ng Fortuner at isang motorsiklo sa Brgy. Bado Dangwa.

Subalit nang siyasatin ang loob ng sasakyan ay nakita sa ilalim ng upuan nito ang 20 marijuana bricks na nakabalot sa dyaryo na tumitimbang ng humigit-kumulang 20,400 grams at nagkakahalaga ng P2.4 milyon.

Pinaniniwalaan namang tumakas ang driver ng fortuner na n akapangalan kay Fernando Maccay, residente ng Brgy Buscalan, Tinglayan na iniimbestigahan na ng pulisya.

Sinabi ni Limmong na nagtamo ng minor injury sa kaliwang paa ang driver ng motorsiklo.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na umagaw sa linya ang motorsiklo na sanhi ng salpukan at nakaladkad ito hanggang sa pakurbadang bahagi ng lansangan, kung saan nahulog ang dalawang sasakyan.