Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek mula Tabuk City, Kalinga na nagtangkang magpadala ng parcel patungong Bocaue, Bulacan na nadiskubreng naglalaman ng P2.4 milyon na halaga ng marijuana bricks noong Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Garry Gayamos ng Kalinga Police Provincial Office na ipinasakamay ng nagsilbing courier na driver ng pampasaherong van sa PNP checkpoint sa Brgy Talaca, Tabuk City ang kahinahinalang dalawang box na kanyang pinick-up at idineklarang naglalaman ng kape.

Nabatid na bago makuha ang parcel ay nagbago ang pick-up location o lugar na pagkukuhanan na unang napagkasunduan ay sa Brgy Agbannawag ngunit sinundo siya doon at dinala sa Brgy Lacnog kung saan nag-aantay ang dalawang lalaki na siyang naglagay ng parcel sa sasakyan habang isa namang nakamotorsiklong lalaki ay nagmamasid.

Dahil dito kung kaya nagduda ang van driver, lalo na nang abutan ito ng P2,000 bilang shipping fee kung kaya humingi ito ng tulong sa pulisya nang makarating sa PNP checkpoint upang masuri ang kahinahinalang parcel na natuklasang naglalaman pala ng 20 marijuana bricks na may timbang na 20,000 grams.

Sinabi ni Gayamos na gumamit din ng ‘alyas’ na pangalan ang sender o nagpadala ng parcel at sa receiver nito habang hindi na rin makontak ang kanilang mobile phone.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nasa P92.2 milyon ang halaga ng marijuana plants ang binunot at sinunog ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa halos isang linggong operasyon sa nadiskubreng 20 plantation site sa limang bulubunduking Brgy sa Tinglayan, Kalinga.

Ang naturang operasyon ay isinagawa mula Hulyo 18 hanggang 23 kung saan walang naarestong marijuana cultivator habang patuloy na inaalam ang mga may-ari ng naturang plantasyon.