Nasabat ng mga otoridad ang mahigit sa P2.5 milyon na halaga ng hinihinalang marijuana mula sa limang suspek sa ikinasang operasyon sa bayan ng Lubuagan, Kalinga
Ayon sa Kalinga Police Provincial Office, nahuli ang mga hindi pinangalanang suspek sa Sitio Dinakan, Barangay Dangoy.
Nakumpiska sa mga suspek na mula sa National Capital Region at Pampanga ang labing pitong bricks at walong tubular ng pinaniniwalaang pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 20,878 grams at may kabuuang halaga na P2,505,360.
Tumanggi munang pangalanan ni P/Col. Peter Tagtag, Jr, provincial director ng PNP- Kalinga ang mga suspek habang isinasagawa ang validation kung saan may kasama umanong menor de edad.
Batay sa report ng pulisya, galing sa bayan ng Tinglayan ang mga nakumpiskang marijuana sa mga suspek na lulan sa isang public utility bus.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.