
Arestado ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman matapos makuhanan ng mahigit P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Sara, Iloilo noong nakaraang linggo.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), ikinasa ang operasyon noong Pebrero 20 ng Sara Municipal Police Station katuwang ang 2nd Iloilo Provincial Mobile Force Company.
Isinagawa ang pag-aresto matapos ang limang buwang masusing intelligence operation laban sa suspek.
Nasamsam mula sa 26-anyos na lalaking SK chairman ang 22 medium-sized na sachet na naglalaman ng tinatayang 300 gramo ng shabu na may street value na P2.04 milyon.
Bukod dito, nakuhanan din ang suspek ng 10 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P1,000 at ang ginamit na buy-bust money.
Nahaharap ngayon ang opisyal sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular na sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
Ang mga naturang paglabag ay may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang aabot sa P10 milyon.










