Umabot na sa higit P20.7 milyon na halaga ng relief assistance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng pagbaha na dulot ng bagyong Kristine sa Cagayan Valley region.

Ayon kay Ma. Lourdes Martin, tagapagsalita ng Disaster Response Management Division ng DSWD- Rgion 2, kabilang sa naipamahagi ang higit 23K family food packs at nasa higit 2,500 non food items mula sa mga residenteng apektado sa lalawigan ng Cagayan, Isabela at Quirino.

Ang Cagayan naman ang ankapagtala ng pinakamaraming naapektuhang residente sa bilang na higit 24K pamilya o katumbas ng mahigit 89,000 indibidwal, sinundan ng Isabela sa higit 51,000 indibidwal, Quirino sa higit 2,000 indibidwal, Nueva Vizcaya sa higit 1,000 indibidwal at Batanes na may naitalang 27 indibidwal.

Tiniyak ni Martin na tuluy-tuloy ang pamamahagi nila ng ayuda at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para kung sakaling kulangin ang ipamimigay na inisyal na tulong ng mga ito ay nakahanda ang DSWD na umalalay.

Sapat pa naman aniya ang stockpile ng family food packs ng ahensiya at mayroon pa umanong mga paparating, kung saan kasama na rin ang mga prepositioned goods sa mga lokal na pamahalaan at warehouses ng ahensya sa lahat ng mga probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Pagdating naman sa standby fund ayon kay Martin, mayroon pa naman silang P144M, subalit sakali man umanong magkulang ito, tiniyak niya na hindi naman nagpapabaya ang central office.

Ayon sa kanya, prayoridad ng kanilang tanggapan ang mga evacuees at sila ang dapat na unang makatanggap ng mga inihanda nilang relief goods.