
Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na naipatupoad na sa 81 sa 82 probinsya sa bansa ang P20 kada kilo na bigas program.
Tawi-Tawi na lamang ang natitirang probinsya na hindi pa napapasaklaw, ngunit nakatakdang buksan ang mga site nito sa Disyembre.
Ayon sa ahensiya, patuloy ang pagpapalawak ng mga tindahan ng P20 bigas sa mga probinsya tulad ng Aklan, Capiz, Catanduanes, Davao Oriental, Eastern Samar, Leyte, Sarangani, at Sulu ngayong Nobyembre.
Mula nang ilunsad noong Mayo, umabot na sa 427 ang mga distribution site sa buong bansa—malayo sa unang target na 136 site sa 13 probinsya.
Ang P20 kada kilo na bigas ay ibinibenta sa mga kabilang sa mahihinang sektor tulad ng mga benepisyaryo ng 4Ps, solo parents, senior citizens, katutubo, PWDs, minimum wage earners, mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Ang suplay ng bigas ay nagmumula sa National Food Authority (NFA) na bumibili ng palay mula sa lokal na magsasaka sa halagang P33 kada kilo. Ang pagkakaiba na P13 kada kilo ay sinasagot ng national at local government sa pamamagitan ng subsidiya.
Layunin ng DA na mapalawak pa ang programa upang maabot ang 15 milyong kabahayan o humigit-kumulang 60 milyong Pilipino pagsapit ng 2026.










