Kinontra ng grupo ng mga negosyante ang isinusulong na P200 dagdag sa arawang sahod para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Jose Tayawa, negosyante at dating regional director ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, mas maraming Pilipino ang maghihirap dahil tinatayang nasa 6.5 milyon lamang na formally employed sa private sector ang makikinabang sa panukala mula sa 120 milyon na kabuuang populasyon sa buong bansa.
Paliwanag ni Tayawa, magkaroon ng negatibong epekto ang wage increase gaya ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin ng limang poryento.
Bukod dito, posibleng magsara ang karamihan sa mga negosyo o magbawas ng mga empleyado dahil hindi aniya kakayanin ng mga maliliit na negosyante ang dagdag P200 na sahod.
Dagdag pa ni Tayawa, tiyak na makakaapekto rin ang panukala sa mga foreign investor na gustong maglagak ng negosyo ng Pilipinas.
Binigyang diin pa niya na hindi sila tutol sa wage increase ngunit dapat din aniyang isa-alang alang ang kapakanan ng mga negosyante at ipaubaya sa tripartite board ang pagtukoy kung magkakakaroon ng taas sweldo sa bawat rehiyon.