Nanawagan si House Assistant Minority Floor Leader at Gabriela party-list Rep. Sarah Elago ng mas mataas na subsidiya para sa mga magsasaka ng palay matapos pagtibayin sa panukalang 2025 national budget ang P7,000 cash aid kada magsasaka.

Giit ni Elago, hindi sapat ang P7,000 na ayuda dahil katumbas lamang ito ng isang-katlong bahagi ng aktwal na pangangailangan ng mga magsasaka upang makapagtanim muli at makabawi sa pagkalugi.

Aniya, dapat itaas ang subsidiya sa pagitan ng P20,000 hanggang P25,000 kada magsasaka upang matugunan ang epekto ng mababang presyo ng palay, epekto ng climate change, at kakulangan sa suporta sa agrikultura.

Bagama’t inaprubahan na ng House Budget Amendments Review Committee ang P7 bilyong pondo para sa agricultural production subsidy, naniniwala si Elago na kailangang dagdagan pa ito upang maibalik ang dignidad sa sektor ng pagsasaka.

Samantala, tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na patuloy na didinggin ng Kamara ang panawagan ng mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --

Nakipagpulong siya sa mga kinatawan ng mga magsasaka mula sa Nueva Ecija, Pangasinan, at Isabela upang talakayin ang panukalang palakasin ang crop insurance at livelihood support.

Sinabi rin ni Dy na isusulong niya ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law upang muling ibalik sa Department of Agriculture ang kontrol sa importasyon ng bigas at bigyang prayoridad ang pagbili ng lokal na ani bago payagan ang pag-angkat mula sa ibang bansa.