Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang tanker na may kargang tinatayang P219.5 milyong halaga ng smuggled fuel sa La Union.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng ulat ukol sa “paihi” modus o ilegal na paglipat ng langis.
Ayon kay BOC-Customs Intelligence and Investigation Services Director Verne Enciso, naaktuhan ng kanilang team ang motor tanker na MT Bernadette habang naglilipat ng diesel patungo sa lorry truck bandang 9:45 ng gabi noong Hunyo 19.
Batay sa paunang imbentaryo, tinatayang 200,000 litro ng diesel fuel ang laman ng tanker, habang may karagdagang 59,000 litro sa dalawang lorry truck.
Hindi nakapagpakita ng legal na dokumento ang sampung crew ng barko na magpapatunay ng legalidad ng kanilang operasyon.
Bukod sa kanila, inaresto rin ang 11 iba pa na sinasabing nagsilbing driver, porter, lookout, at kasabwat sa aktibidad.
Mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang may-ari, kapitan ng barko, crew ng MT Bernadette, mga drayber ng lorry truck, at ang may-ari ng nakumpiskang diesel fuel dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.