Magbibigay ng P2 million na pabuya ang pamahalaang panlalalawigan ng Bulacan sa makakahuli sa suspek na tumakas matapos mapatay ang dalawang pulis sa buy-bust operation laban iligal na armas noong tanghali ng Marso 8 sa bayan ng Bocaue.

Sinabi ito ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa isinagawang 1st Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Bulacan Convention Center, Malolos City.

Ayon kay Fernando, layunin ng pabuya na makatulong sa agarang pag-aresto sa suspek na si alyas “Athan,” nakababatang kapatid ni alyas “Dado,” na unang nahuli ng mga awtoridad.

Sinabi ni Fernando na nararapat lamang na mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa dalawang pulis naPSSg Gian George dela Cruz at Dennis Cudiamat na nakatalaga sa Bocaue Police Station.

Una nang nagpahayag sa publiko na nakahandang magbigay ng P100,000 pabuya si Bocaue Mayor Jonjon Villanueva sa makakapagbigay impormasyon o makakatulong sa paghuli sa suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PNP Region 3, nagsagawa sina Cudiamat at Dela Cruz ng buy-bust operation laban sa bentahan ng ilegal na baril na nauwi sa pagkakapatay sa dalawang pulis.

Makikita sa CCTV footage ang pagtakbo ng suspek at hinabol siya ng isang nakasibilyang pulis na sakay ng motorsiklo.

Ang naturang pulis ang unang napatay at kinuha ng suspek ang kaniyang baril at motorsiklo.

Isa pang pulis ang humabol sa suspek pero nabaril din siya at nasawi.