Pasado na sa Sangguniang Panlalawigan ang P3.1 bilyon na 2019 annual budget ng probinsya ng Cagayan.
Mayorya ng mga miyembro ng SP ang nagdesisyon na ipasa, kahapon ang kabuuang pondo na PhP 3,169,469,374.15 matapos dumaan sa mabusising pagsisiyasat at pagbago sa ilang mga halaga sa budget.
Gagamitin ang budget para sa iba’t-ibang mga proyekto, programa, maging ang pang-pasuweldo sa lahat ng kawani sa kapitolyo at iba pang obligasyon.
Umaasa si Vice Governor Melvin Vargas Jr na ang pagpasa sa budget ay magiging simula ng magandang relasyon ng executive at legislative department.
Ayon kay Vargas, bagamat tinapyasan ang pondo ng SP at legislative ay umaasa ito na wala nang mavevetao sa inaprubahang 2019 Annual Investment Program at executive budget.
Umaasa si Vargas na matutukan ng gubernador ang mga nakalatag na plano at programa para sa mga Cagayano tulad ng pangangailangan ng mga district hospitals, iskolars, tulong sa mga Barangay, peace and order, agriculture sector at marami pang iba.
Kasama ring napondohan ang promotion sa turismo ng callao cave sa bayan ng Peñablanca na inaasahang makapag-generate ng pondo para sa lalawigan.