Tinatayang aabot sa P3.2M halaga ng mga ipinuslit na sigarilyo na idineklarang autoparts ang nasabat sa isang checkpoint sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Pcapt Merrin Beadoy, Team Leader ng 1st Provincial Mobile Force Company -Nueva Viscaya, walang kaukulang dokumento ang nasa 246 kahon na sigarilyo na may dalawang brand at ikinarga sa isang closed van.
Kaduda-duda umano ang paghinto ng van sa daan kaya pinara ang driver at pahinante nito sa checkpoint sa bayan ng Diadi.
Sa ngayon ay nasampahan na ng kasong Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax without Payment of the Tax at paglabag sa RA 10643 o Graphic Health Warnings Law ang nahuling driver at pahinante na kapwa 29-anyos at mula sa Benito Soliven, Isabela.
Nabatid na galing sa Binondo, Manila ang mga puslit na sigarilyo at idedeliver sana sa Santiago City, Isabela.