Tuguegarao City-Bilyon-bilyung halaga ng taripa ng mga imported na bigas ang hindi umano nakokolekta ng gobyerno dahil sa anumalya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, inihayag ni Raul Montemayor, presidente ng Federation of Free Farmers of the Philippines na batay sa pag-aaral ng grupo na aabot sa P3.5 billion ang hindi nabayarang buwis ng mga importer ng bigas.
Ayon kay Montemayor, nangyayari ang anomalya dahil marami sa mga rice importers ay nagdedeklara ng under valuation o hindi tamang halaga ng mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa gaya ng Vietnam para makaiwas sa pagbabayad ng malaking taripa.
Sinabi ni Montemayor na 40 importers ang pinatawan ng Bureau of Customs (BoC) ng multa na nagkakahalaga ng P1.4 billion dahil sa mis-declaration ng mga inangkat na bigas mula noong ipatupad ang Rice Tarrification Law (RTL).
Subalit, inihayag niya na mababa ito dahil mula sa nasabing halaga ay P600 million lamang ang para sa taripa at ang iba ay mga penalty na kumpara sa mahigit tatlong bilyong piso na komputasyon ng grupo.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa Department of Agrculture o DA na imbestigahan ang nasabing anumalya para hindi makompriso ang interest ng mga local rice farmers.
Matatandaan na pangunahing layunin ng RTL ay makalikom ng pondo mula sa taripa ng mga imported na bigas na gagamitin para maiangat pa ang produksiyon ng palay sa bansa.with reports from Bombo Marvin Cangcang