Natanggap na ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang tseke na nagkakahalaga ng P30 milyon na tulong pinansiyal mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCSO Branch Manager Heherson Pambid ng Cagayan na ang financial grant ay bahagi ng P447 milyon na ayuda ng PCSO sa mga pampublikong ospital sa buong bansa mula sa PCSO Charity Fund sa ilalim ng Calamity Assistance Program (CAP).
Sinabi ni Pambid na maaaring gamitin ng ospital ang pera upang bumili ng mga Personal Protective Equipment (PPE), Medical and Diagnostic Equipment, mga gamot, gayundin para sa mga gastusin sa laboratory and diagnostic procedures, confinement at iba pa.
Nagpasalamat naman si Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC sa ayudang ipinagkaloob ng PCSO na makakatulong sa operasyon ng ospital upang labanan ang COVID-19.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Dr. Baggao na gagamitin ng ospital ang naturang halaga para sa planong gawing isang COVID-19 testing center ang CVMC sa rehiyon dos.
Pinamamadali na rin ni Dr. Baggao ang proseso sa pagbili ng espesyal na mga kagamitan na kakailanganin upang gawing COVID-19 facilities ang CVMC na magsasagawa ng mga laboratory tests.
Sa pamamagitan aniya nito ay agad na matutukoy ang resulta ng mga indibidwal na maituturing na potential sa COVID-19 case na hindi na kailanganing dalhin ang specimen sa Research Institute for Tropical Medicine at Baguio General Hospital and Medical Center.