Nakahanda nang ipamahagi ng Department of Agriculture(DA) ang fuel assistance sa mga mangingisdang apektado ng oil spill dulot ng lumubog na MT Terra Nova sa Manila Bay.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, mamamahagi ang ahensiya ng tig-P3,000 na fuel assistance sa mga apektadong mangingisda, batay na rin sa naunang kautusan ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.
Ang naturang halaga ay maaari aniyang magamit ng mga mangingisda na ipambili ng krudo para magamit sa pamamalaot sa malalayong bahagi ng karagatan, habang iniiwasan ang mga lugar na apektado ng oil spill.
Inihalimbawa ng opisyal ang mga bayan ng Noveleta at Rosario sa probinsiya ng Cavite kung saan nakitaan ng epekto ng oil spill ang mga fish samples na nakulekta sa mga ito, habang ang katabing bayan ng Naic at iba pang mga bayan ay nananatiling malinis at negatibo sa tumagas na langis.
Maaari aniyang tunguhin ng mga mangingisda ang mga karagatang sakop ng mga naturang bayan upang doon mangisda.
Tiniyak din ni Asec de Mesa na magpapatuloy ang pagtutok ng DA sa kalagayan ng mga mangingisda, habang nananatili ang banta ng tumagas na langis.
Una nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na umaabot sa 46,090 mangingisda ang inisyal na naapektuhan ng tumagas na langis mula sa NCR, Region III, at CALABARZON.