Aabot na sa P321 milyong halaga ng mga pananim ang naitalang pinsala sa ibat ibang bayan sa lalawigan ng Kalinga dahil sa tagtuyot.
Ayon kay Juliana Aklam, assistant provincial agriculturist, na inaasahang tataas pa ang nasabing halaga sa mga susunod na araw sa oras na matapos ang evaluation sa lahat ng mga pananim na mais, palay at High Value Crops.
Napag-alamang pinakamatindi ang pinsalang naitala sa bayan ng Rizal na aabot 113.2 milyon o katumbas ng 80% sa 1,094 hectares na apektadong pananim.
Habang sa bayan ng Tanudan ay nakapagtala ng pinakamaliit na danyos sa halagang P240,000 mula sa 212 na bilang ng mga magsasaka.
Bagamat nakaranas ng pag-ulan ang lalawigan nitong mga nakaraang araw dahil sa cloud seeding operation, subalit hindi umano ito sapat upang iligtas ang mga pananim.
Samantala target ngayon ng Provincial Agriculture na pangunahan ang pagpapatayo ng mga water management system at pagpapagawa ng mga water impounding reservoir o dam.
Nabatid na malawak ang epekto ng tagtuyot sa anim na bayan ng lalawigan na kinabibilangan ng Balbalan, Lubuagan, Pinukpuk, Rizal, Tanudan at lungsod ng Tabuk.